<Ngumunguya ng bubblegum…>
Matataas na mga punong kahoy na natatakpan ng madidilim na ulap.
Ito ang larawan ng pangarap.
Patuloy ako sa pagtakbo sa ilalim niyon.
Walang katapusang pagtakbo.
Nauuhaw ako.
Maya-maya'y matitisod. Madadapa.
Pero babangon din. Magpapatuloy...
Nagmamadali ang lahat ng mga tao.
Nagtatakbuhan na tila mahuhuli sa byahe patungo sa kung anong dimensyon.
Gusto ko silang sabayan.
Subalit magkakaiba kami ng bilis.
Nang haba ng mga paa.
Nang mga sandata.
Nang mga bigat na hinihila...
Maralita ako kung tawagin.
Salat sa kayamanan.
Hindi sa dunong at prinsipyo.
Tanging ang mga ito ang tangan ko sa aking paglalakbay.
Subukin mo itong kunin, aalpas ang hiyas ng tapang at paninindigan.
Lalaban kung kinakailangan.
Makikidigma...
Magtatagumpay.
Posted at 03:20 pm by ismaelfisco
Permalink